Thursday, February 24, 2011

Taludturan

(Hindi ko na maalala kung kailan ko ito isinulat...medyo naguguluhan na nga ako sa diwa nito...pero naaalala ko yung gusto kong sabihin...sa pagkakaalam ko nga lang, hindi na ako ganito magsulat ngayon...sa makat'wid...hindi na ako gaanong nagsusulat. Period)

Sukat.

Sa bawat manunulat na bihasa sa kanyang larangan, lahat ng obrang sumisirit sa kalingkingan ng panulat ay may sukat.

Titik, salita, parirala, pangungusap, talata.

Lahat may sukat.

Mga dingding na nagkukulong sa waldas na kathang isip.

Kinukulong—kinakahon ang daluyan ng kathang isip.

Kung walang sukat…mahihilaw ang obra.

Tulad na lamang ng mga tula. Nakarinig ka na ba ng tulang masakit ang daplis sa taenga? Parang murang idinudura sa mukha ng tao?

Matatanggap mo nga bang tula ang isang likhang pampanitikang simpayak ng “Bawal umihi dito putanginamo gago?”

Hilaw.

Waldas.

Walang pinatunguhan.

Mayroon kang bagay na nais iparating sa iba

Ngunit ano’ng saysay ng tula kung para lamang itong problemang binabasa sa librong artmetik?

Tuldukan?

Yun na yon.

Lahat ng tula, may tugma man o wala, may daloy.

May tibok.

Tibok.

Bawat pagbagsak ng pantig, tibok. Tinitibok ng tula ang bawat pantig. Iba man ang nagbibigkas ng tula, sa manunulat…may tibok pa rin ang tula. Iisa ang daloy.

-0-

Ang tuluyan ma’y iisa rin ang daloy.

Parang alon na kumakayod sa dalampasigan.

Iisa ang daloy ng kathang isip, at ang mga salitang gumuguhit sa papel. Hindi ba’t ang pagkakasunud-sunod ng mga salita sa isang pangungusap ay gawa rin ng mundong ginagalawan ng pag-iisip ng maylikha nito? Naaayon sa paraan ng pag-iisip ang pagbagsak ng bawat titik sa makinilya.

Sukat.

Iisa ang manunulat at ang mga salita.

Iisa ang diwa ng kathang isip at ang nakaguhit sa papel.

Iisa ang alon at ang iniwang palatandaan nito sa buhangin.

Iisa.

Iisa ang kilos ng tao.

Parang taludturang may tugma.

Parang tuluyang umiikot sa mundo ng manunulat.

-0-

Bawat tao’y kumikilos sa sukat na itinakda sa kani-kanilang sarili. May dingding na humaharang sa pagkamulat.

Sabihin mang mulat, may dingding pa ring kumakahon sa paglalarawan ng ‘pagkamulat’.

Pag natibag ang dingding na bumabahay sa tao…

Hindi mabubuo ang tao.

Walang kaisipang bumubuo sa pagkatao ng tao.

Walang paniniwala.

Walang paninindigan.

Wala.

Waldas.

Walang patutunguhan.

-0-

Tulad ng buhay ng tao ang taludturang may tugma, may sukat, may kaisipang nag-uugnay sa mga salitang sumisirit sa dulo ng panulat. Mga salitang ‘di dapat basta-bastang pinapakawalan at hinihirang na panitikan…buhay na ‘di basta-bastang pinapakawalan at hinihirang na pagpapakatao. Maging ang tao may sinusundang tugma, sukat at kaisipang bumubuo sa kanyang buhay…kung mawawala ang tibok…mawawala ang pagiging buhay ng buhay.

Labels: , ,

Bababa Ba?

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home