Part I
PUB: Please Understand the BagyoMay alas kwatro y media ako nakasakay ng pampasaherong bus papuntang Bicutan. Bahagya na ang ulan noon at hindi ko na nalaman ang kalagayan ng ulan mula Magallanes hanggang sa may Sun Valley dahil mahimbing akong nakatulog (at hindi ko itatangging hindi nakabuka ang bibig ko nun...pero hindi naman ako naglalaway...pero maliban pa sa blog entry na 'to eh hindi niyo rin naman kailangang malaman na nangyari 'yun 'di ba?).
Matagal ang usad ng sasakyan sa may Bicutan. Kung may alas kwatro y media ako nakaalis ng Makati, yung normal kong kinse hanggang bente minutos na biyahe papuntang Bicutan ay inabot ng isa't kalahating oras.
Nang makalampas na ng toll ng Bicutan ang bus na sinasakyan namin, tulad ng nakagawian ng maraming taong nakakasabay ko, nagmamadali silang lahat at nagsisiksikan sa may pintuan kahit na alam nilang hindi pwedeng bumaba sa kinaroroonan ng bus namin.Sa tagal bago patawirin ang mga sasakyan sa may ganang amin, na-inip na ang kalikod kong magsingirog.
Siguro may 17 hanggang 18 na taong gulang sila...o parang ganun. Ganito ang naging takbo ng usapan nila.
GF na may matining na boses: Tayo na tayo.
BF na batong-bato na sa trapik: Mamaya na.
GF na makulit: Malpit na o.
BF na tinatamad: Hindi rin naman tayo gumagalaw.
(makalipas ang nakababatong katahimikan)
GF na may twang: Grabe naman 'to. Si *may English accent kuno* super typhoon Pépeng.
BF na muntik nang matawa: PEH-PENG kaya
GF na nagmamagaling: Pépeng 'yun. Sabi 'yun sa CNN...CNN nga ba 'yun...basta meron kami nun
BF na curious: Meron ba kayo nun?
GF na proud kasi may "CNN": Nakakakuha kaya kami nun. Yun yung sabi dun. Si Pépeng (sabi niya)
BF na nababato na ulit: E tagalog naman yung pangalang PEH-PENG eh.
GF na naiinis na kay boyfriend: *may English accent kuno* WHAT I'M TRYING TO SAY IS, 'yun yung pagkakasabi sa CNN.
BF: Parang hindi naman ata eh. Wala naman ata kayong CNN eh.
GF: Meron kaya. Nakita ko pa nga yung tsunami eh. Yung sa...sa Vietnam ba 'yun?
BF: Indonesia.
GF: Oo. Gumalaw yung lupa, kaya nagkaroon ng tsunami. Intensity (maikling patlang) intensity six point...eighty daw 'yun.
Parang gusto kong magalit...pero para que? Kay liit na bagay para magalit. Hindi ko naman siya kaano-ano at time to shine niya 'yun, go lang ate...walang masasaktan at walang kailangang masaktan. Hwekhwekhwek. Kung sa bagay lahat naman tayo nakararanas ng ganyang mga kunu-kunong moment-moment (bago ako umalis ng opisina nagkaroon din ako ng ganyan, hwekhwekhwek), quits lang tayo ate.
Part II
PUJ: Publicly Underaged JerkPagkababa ko ng Bicutan, tumawid ako papuntang sakayan ng jeep.
Naroon na naman ang lumang biro na "paunahin niyo yung mga lalaki." Pero dahil araw-araw ko nang naririnig 'yun at habambuhay at hanggang libing naman silang magiging ungas, hinayaan ko na lang sila (hindi rin naman halatang galit na galit na 'ko 'di ba). Nakasabay ko ang limang maiingay na lalaki. Noong una nakakatawa pa sila eh...pero nung katagalang naririnig ko silang mag-usap (hindi ko kailangang piliting marinig ang sinasabi nila dahil kahit siguro yung nagpapatugtog ng pagkalakas-lakas ng Chris Brown e maririnig sila sa lakas ng boses nila), natandaan ko yung nakasabay ko sa jeep nung nakaraang taon...mga ganitong petsa rin...yung nag-uusap tungkol sa mga kerida't nagkamaling pinahagingang inilagak ako sa kategoryang 'yun.
Mukhang sila rin 'yun.
Ganito ang naging takbo ng usapan nila
L1: Uupo-upo, hindi naman magbabayad.
L2: Ilan ba tayo?
L1: Sampu (tapos magbibilang).
L3: (mag-aabot ng bayad) Bayad po. Isa lang po 'yan.
L1: Lima tayo. Lima.
(Tawanan ang mga lalaki)
L4: Sampu tayo tapos isa lang yung magbabayad.
(dumudukot si L1 ng bayad sa bag)
L3: Tignan mo 'to. Kunyari dumudukot pero hindi rin naman magbabayad.
L1: (maga-abot ng bayad at isisigaw pa) BAYAD PO, DALAWA PO 'YAN. AKO AT YUNG KATABI KO (sa pagkakataong ito, iba naman ang katabi niyang babae.)
L4: Hwooo. Dalawa daw 'yun...
L1: DALAWA PO YUNG BAYAD KO A. PARA SA 'KIN TSAKA SA KATABI KO.
L4: Dalawa daw, isa lang binayad mo.
L1: Dalawa 'yun. Kinse kaya 'yun.
L3: Kinse...katorse kaya ang dalawa. Nanggagago ka na naman eh.
L1: Basta, kinse 'yun.
(matapos nun ay magkakaroon ng kaguluhan sa mga bayad nilang pagkadali-dali naman kung i-aabot rin lang)
L1: Ano ba? Abot ka ng abot hindi ka naman drayber.
L3: (ibibigay na sa wakas ang bayad sa drayber) Bayad ho.
L2: Sana walang pasok bukas 'no?
L1: Nako, kung may pasok tayo bukas, bibiyahe tayo kahit ano mangyari. Pa'no ka nakauwi nung Biyernes? 'Di tumitigil yung ulan no'n 'no? Tapos hindi pa gumagalaw yung sasakyan. Nakoh! Kung nangyari uli 'yun, maglalakad uli tayo nun, mula Marcelo hanggang Nagtahan. Ganoon 'yung ginawa namin nun o. Hindi kasi gumagalaw yung sasakyan. Mula Nagtahan hanggang Villamor. Skyway pa 'yun. Grabe talaga ulan eh 'no?
(tapos tutuloy ang pag-uusap tungkol sa ulan at trabaho...hanggang sa dumating sila dito...)
L3: Eh si ano...yung nanggahasa.
L1: Ayus din 'yun 'no? Rape. Okey na sana eh, rape lang, kaso lang namatay...ayun...may homicide tuloy.
L3: Eh may hearing naman (blahblahblah) pag napawalang sala siya.
L1: (mga bagay tungkol sa trabaho) ...hehehe sexual harassment. E ganun naman 'yun eh. Mahiwalay lang ng kaunti yung tuhod...ayun na. E kasi naman eh. Okey sana na rape. At lis rape lang...pero namatay eh...ayan...homicide...Haaay...ganyan talaga pag umuulan. Kawawa naman yung mga tao 'no? Yung sa mga binaha?
L3: May bubong nga hindi naman nasa itaas.
L1: Haaay...ganyan talaga pag umuulan.
L3: Okey lang na umulan, basta may payong.
Lahat 'yan nagagawa nilang bigkasin sa decibel na makabasag-taenga.
Hindi naman pinaalam sa 'kin na pwede palang magsama sa isang pangungusap ang salitang 'rape' at 'lang.' Hanggang ngayon hindi pa rin magawang maunawaan ng utak ko ang pangungusap na 'yun.
Parang dahil sa mga taong tulad nila, wala na akong paki kung magunaw ang mundo ng 2012...basta siguraduhin ng lahat ng uri ng cosmic-cosmic sa kalawakan na magtatagal ang paghihirap nila't pagdusahin sila't patayin ng takot imbes na mamatay sila ng agad-agaran at sa pangkaraniwang dahilan. At sana hindi na mare-reincarnate ang mga taong tulad nila kailanman.Parang mas-gusto ko pang mareincarnate na halaman o hayop...kahit papaano, dahil sila, kahit hindi nila hinahanap ang saysay ng buhay alam na nila kung para sa'n ang buhay nila.
Ang sabi nila, natatanging nilalang ang tao dahil sa kakayahan nilang makaramdam at malaman ang tama't mali. Mukhang hindi pala lahat ng mukhang tao ay nag-aasal tao.